Thursday, July 9, 2009

confrontation, too.

Oo, nakita ko na siya. Ang totoo nyan, nag-usap pa kami. Ngayon, mas naiintindihan ko na kung bakit patay na patay ka sa kanya. Sa isang libo’t isang paraan o maaaring hight pa riyan, hindi ko kayang makipagkumpetensiya sa kanya. Antaas niya. Mataas na mataas.

Kaya pala gabi-gabi, hindi ka mapakali hangga’t hindi mo nasisiguradong nakauwi na siya o nakakain na ng hapunan. Anlaki siguro ng ngiti mo kapag kasama siya ‘no? Mahilig ba siya sa mga mamahaling restaurant o sa tabi-tabi lang tulad mo? Ayaw din ba niyang magbasa ng Twilight books tulad mo? Antalino siguro ng mga balitaktakan ninyo. Huwag na, ayokong sumabay kapag nagdinner kayo, baka malunod lang ako.

Sabay din ba kayong nanonood ng anime? Sabi mo, mahilig kayong mamirata ng dvd at manood ng pelikula na gustung-gusto niyong dini-deconstruct pagkatapos. Alam mo bang sa pelikula din umiikot ang buhay ko? Kahit papaano, nakakapagsulat din ako pero mas gusto mong mabasa yung mga sinusulat niya. Hinding-hindi ako magiging kasinggaling niya, sigurado.

Ano nga uli yung album na pinakinggan niyo habang nakahiga kayo sa madamong bahagi ng Sunken Garden bago bumagyo nung isang buwan? Hindi ba’t mas romantiko kapag nagpapatugtog siya ng cello habang nakikinig kang nakatingin sa langit, naghahangad na sana lagi kayong magkasama. Uy, pinapangarap ko ring makasama ka sa Sunken kaya lang busy ka palagi. Oo naman, alam ko namang uunahin mong gawin kung anuman ang gusto niya.

Hindi mo nga pala naikwento sa akin kung binigyan ka na niya ng surprise pero umabsent ka isang Lunes nung malaman mong naospital siya dahil sa sakit sa tiyan at nagulat siya paggising na puno na ng puting rosas ang kwarto niya. Minsan isang hatinggabi, sinundo mo siya sa isang inuman kung saan siya naglasing dahil namatay ang kanyang mini pincher dahil sa katandaan. Answerte naman niya. Lagi kang nandiyan para sa kanya. Sana ganyan ka rin sa akin pero mas pinili kong huwag nang sabihin sa ‘yo.

Pero ngayong sinabi ko na sa’yo, wag kang mag-alala dahan-dahan ko nang ilalayo ang sarili ko. Pero kahit noon pa, hindi ba’t andito lang ako, laging malayo sa’yo? O, wag ka nang malungkot. Ayokong nakikita kang ganyan. Anlayo ko pero tanaw kita habang tinititigan siya. Hay. Katulad din kita. Nagmamahal ng taong nagmamahal ng iba. Answerte niya, kahit ano gagawin mo para sa kanya kahit alam mong ang patutunguhan nun ay sa wala. Swerte mo nga, andito ako para pakinggan ka.

Sana kahit papano, lumingon ka rin sa akin habang nakatingin sa kanya. Katulad ng ginagawa ko
sa’yo ngayon.



No comments: