Friday, April 3, 2009

cineplex.

Ang paligid ay nababalutan ng dilim, at tanging mumunting liwanag na nanggagaling sa pinilakang tabing ang nagsisilbing ilaw.

Nakakabingi ang katahimikan.

Sa gitna ng payapang pagkakataon, isang malalim na bugtong hininga ang puma-ibabaw.

Parehong magkalapit at nakamasdan sa malayo na para bang nakatulala at may naglalaro sa malikhaing isipan.

Unti-unti, ang mga mga palad ay nagtagpo, at tuluyang naging isa.

Ang init ng palad ang nagsilbing hudyat sa pagdaloy ng natutulog na dugo, mula talampakan hanggang sa mga namimintog na pisngi.

Pawang kagalakan ang naramdaman, hindi inakalang ito'y pagbibigyan ng panahon at pagkakataon.

Sa maikling sandali, nadarama ko ang bawat pag pintig ng iyong puso, ang bawat pagsigaw nito, na ang tanging ibinubulong ay ang pangalan ko.

Sa maikling pagkakataong iyon, nahawakan ko ang puso mo, at ako'y minamahal mo.

Nais kong malusaw, sa tuwing magtatagpo ang aking paningin at iyong mapupungay na mata, sa tuwing sisilip ang iyong mapuputing ngipin sa iyong mapupulang labi.


Nasi kitang hagkan, nais kong mapasa-iyo, at ninanais kong ika'y mapasaakin.



Isang nakakabulag na liwanag ang sumalubong sa aking mukha.
Mainit.
Nakakasilaw.



Panaginip.



Nakakapanlinlang na panaginip.
Panaginip na punong-puno ng paghihintay at pag-asa.



Ako'y muling bumalik sa realidad.
Bumangon.
At patuloy na umaasang ito ay mapagbibigyan ng pagkakataon.

No comments: